Unang-una, gusto sana ni G. Chua na mabasa ninyo ito.

–O–

Unang Huwebes ng pasukan noong Hunyo ko siya nakilala.

So, nang dumating ako sa classroom ko (its 329 if I remember it right) super tagal ng teacher kaya nakapagmashid pa ako ng maayos. May mga klasmeyts akong mukhang inosente, at may mga mukhang matanda at gusgusin (Hehe..). Yung nasa dulong upuan sa kalikud-likuran, mukha na ngang graduate. Pero hinayaan ko lang.

Ganun ko siya unang nakilala. Pinagpapawisan, magulo ang buhok, nakasuot ng puting T-Shirt na gusot ngunit hindi pa rin naaalis ang presensya ng pagiging sinsero at pagkakagalang-galang sa pagkatao niya.

“Ladies and Gentlemen, may I present to you our professor, Michael Charleston Chua.”

Ipinakilala niya sa amin ang kanyang sarili sa kakaibang paraan. Katuwa-tuwa, nakakaaliw at dahil sa ganoong paraan ay sinimulan namin siyang mahalin. Agad-agad.

Mahal ko na ang kasaysayan bago pa man ako mag-aral muli nito sa ilalim ng kanyang patnubay. Tsismoso kasi akong tao by nature. Tsismoso in a good sense. Gusto kong nalalaman ang mga bagay-bagay sa paligid. Ngunit sa mga pagkakataong tinuturuan niya kami, mas minahal ko ang kasaysayan, mas minahal pa kaysa sa maraming bagay sa mundo.

Hindi ko sinukat akalain na magiging kaibigan ko ang aking guro sa labas ng silid-aralan. Ibinababa niya ang sarili niya sa mga oras na magkakasama kami. Isang napakamaginoong gawain. Kaya naman kahit kailan ay hindi ako nakadama ng kahit na anong bakas ng pagkayamot sa kanya. Nakakatuwang isipin na nagkukwentuhan at nagkakamustahan pa kami sa text paminsan-minsan. Kapag nag-uusap kami, naaalala ko ang mga kwento niya noong pagkabata siya. Weird daw siya noong bata siya. Weird pa rin naman siya hanggang ngayon, pero parehas lang kaming weird kaya naman walang problema sa akin iyon. Mas masaya pa nga ako dahil magkasundo kami. Matanong din kasi si Sir. Mahilig sa libro. Nasasapo ko ang wavelength niya.

Napakapositive ng outlook in life. Hindi magarbo ang mga pangarap niya sa buhay, hindi siya naghahangad ng yaman. Mas umiiral ang prinsipyo sa katawan niya kaya naman ganoon na lang ang pagtayo niya sa iba’t ibang pagsubok sa buhay niya.

Siguro kung nabuhay siya noong panahon ng mga Kastila, una siyang pinatay. Alam kong napakalakas ng paninindigan niya at hindi matitinag kahit na umpugin man siya ng mga mas mataas sa kanya. Naniniwala siya sa pinaniniwalaan niyang tama. Hindi siya bumabaligtad kahit na pader na ang kalaban niya.

Magaling siyang guro. Kakaiba ang teaching style niya. Mas madali mong naaabsorb ang pinag-aaralan dahil parang kinukwento lang niya. Magaan ang bawat lesson, hindi kasi siya yung tipo ng teacher na ipinamumukha niya sa mga estudyante niya na siya ang pinakamatalino sa lahat. Open sa corrections. Open sa new ideas. Hindi siya nagmamayabang. Yung tama lang para igalang siya ng mga estudyante niya. Kaya naman hindi na siguro question kung bakit mataas ang demand niya sa registration kapag enrollment. Maraming nagmamahal sa kanya pagkatapos na maturuan niya. Dahil ginawa niya kaming parang mga kapatid niya. Ganoong katindi.

Opisyal na idineklara noong Marso 17 na hindi na magpapatuloy sa pagtuturo si Sir Xiao ng kasaysayan. Hindi man namin alam ang dahilan kung bakit ito nangyari at sa anong punto nagkamali si Sir ay alam naming isang malaking kamalian ang desisyong ito ng Departamento ng Kasaysayan ng CSSP. Isang malaking kamalian. Hindi ko lubos maisip na isang magaling na guro na naging mabuti sa lahat ng kanyang estudyante ay tatanggalin sa isang tungkuling minahal niya ng lubos. Manhid na siguro ang taong gagawa nito sa kanya.

Tama si Sir, ang mabungang puno, iyon ang kadalasang pinupukol. Pero Ginoong Chua, kahit ilang beses kang pukulin at malaglag ang mga bunga mong pinaghirapan ng matagal, nandito lang kami para pausukan ka uli nang mamulaklak ka at mamunga pa uli. Kaya natin ito. Kasama mo kaming mga na-inspire mo.

Isang pagpupugay sa isang natatangi at mabuting guro.