Kalayaan Residence Hall
University of the Philippines
Diliman, Quezon City
Journals – File No. 1

Benitez, Christopher James D.
HIGHLY CONFIDENTIAL

February 15, 1995

9:20 pm

Ano ba’ng nangyari noong gabi ng Pebrero 14, 1995?

“Ay nako, ewan ko nga kung ano yung narinig ko eh. Basta magkakabrown-out yata dapat. May bigla na lang sumigaw. Tapos nagkakagulo na ang lahat. Hindi ko na inalam kung ano yung nangyari kasi nga may exam pa ako sa Math 63.”

-Frederick Barrinuevo, BS Math, 18

 

“Basta natutulog na ako nun, tapos nananaginip ako ng masama. Hindi ko na nga alam kung anong nangyari sa akin. Basta umiiyak daw ako sabi ni Robert. Ayun nung nagising ako, may narinig na akong sumisigaw.”

-Adrian Sarmiento, BA European Languages, 17

“Lima kami nila Lambert na naglalaro ng chess sa kwarto ni Adolph. Maingay pa nga kami eh kasi nakakatuwa yung laro. Tapos biglang kumurap-kurap yung ilaw. Hindi lang sa room namin yon, ano. Parang buong dorm, nagkaganon. Tapos lumamig bigla. May narinig na lang kaming sumisigaw.”

-Earl Ramon Alvarez, BS Chemistry, 17

“Naliligo ako noon, actually sabay nga yata kami ni Ralph na maligo kasi nga katatapos lang naming magpractice sa volleyball varsity. Nagtataka kami kung bakit mainit yung tubig sa shower eh gabi na so dapat malamig na siya. Tapos yun, kumurap na yung ilaw. Kinabahan nga kami eh kasi kasabay ng pagkurap nung ilaw, nawawala-wala yung tubig. Tapos yun, may sumigaw na bigla.”

-Billie Jean Fernandez, BA Interior Design, 18
“Ay, Lucresia Kasilag. Parang gumagawa yata ako nun ng plates para sa Arch 16 ko, which is nira-rush ko siya ng bonggang bongga dahil gusto ko na talaga matulog because I really need to rest my eyes, you know. Anyway, nang ginagawa ko na yung plates, suddenly nagkumukutikutitap na ang lampshade ko, which to my annoyance dahil nahihirapan akong gumawa ng straight lines ng free hand. And so for more may sumigaw ng todo volume as in nagulat talaga ako in a different level so to my annoyance, nagkanda bali-bali ang lines ko!”

-Arnel Acosta, BS Architecture, 18

“Wala ako sa corridor nung nagkagulo. Pero bago nangyari yon, paparating pa lang ako sa dorm dahil kagagaling ko sa thesis shoot ng orgmate. Nang papasok na ako dun sa pinto at hinihintay ko na lang si Ate Guard na buksan yung pinto, parang may taong nakaputi na dumaan sa likod ko. Akala ko nga yung babaeng nagdedeliver lang ng mga labada. Tapos kumurap na yung ilaw. Ayun, may narinig na akong sumigaw.

-Hero Boy de Guzman, BA Film, 16

Naniniwala ako sa mga multo at maligno dahil isang psychic ang daddy ko, pero siguro by chance ay hindi ko namana ng lubos ang kapangyarihan niya. Hindi pa kasi ako nakakakita o nakakaranas ng mga pagpaparamdam ng mga multo. Hindi ko lang alam kung yung mga inaakala kong malikmata at mga nakikita ko sa mga side visions ay mga manipestasyon ng mga kaluluwa. Hindi ko alam.

Oo nga pala, hindi tungkol sa akin ang journal na ito, kung hindi tungkol sa isang pangyayaring gusto kong i-document dahil palagay ko, magiging interesanteng kwento ito kapag nagkataon. Tamang tama para sa Journalism na course ko dahil isang magandang scoop ang itatala kong ito.

May kakaibang nangyari sa dorm namin noong gabi ng February 14, 1995. Hindi ko nasaksihan ang buong pangyayari dahil nga nasa field trip ako para sa Kas 2 ko. Nabalitaan ko na lang ito kinabukasan, at nagkaroon na ng mga bulong-bulungan kung ano ba talaga ang nangyari ng gabing iyon. Kumalat ang pangalang John Andrew Miranda na siya raw sumigaw at natagpuang nakahandusay sa sahig ng kanyang kwarto.

Namatay si John kaninang madaling-araw sa infirmary sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. Sayang si John. University scholar pa naman siya at balak yatang kumuha ng Medicine pagkatapos ng Biology niya. Mapagmahal sa pamilya at sa mga kaibigan. Basta ang alam ko, mahal na mahal niya ang kanyang Ate, na kahit kalian ay hindi niya binanggit ang pangalan. Pribadong tao kasi si John kaya bihira magkwento tungkol sa personal na buhay.

Hanggang ngayon ay wala pa ring findings ang mga doktor sa tunay na pagkamatay niya. Kusa na lang daw tumigil sa paghinga si John. Walang malay si John simula ng makita siya noong gabing narinig siyang sumigaw, kaya naman inakala lamang ng mga doktor na simpleng stress lang ang nangyari sa kanya. Kung sabagay naman daw ay regular at maayos naman ang mga vital signs niya, ngunit nagpapakita lang ng kaunting pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Hindi na raw ipagpapatuloy ng University Police ang pag-iimbestiga sa kasong ito ni John dahil tila natural death at walang foul play naman ang naganap kagabi. Pero hindi kami naniniwalang natural ang pagkamatay ni John. Hindi natural dahil palagay namin, may misteryong bumabalot sa pagkamatay niya.

Nagmeeting ang corridor namin para pag-usapan nang pormal ang nangyari kagabi. Lumabas na rin ang mga kuwento at mga karanasan ng mga residente sa mga nangyari noong bago sumigaw si John (Inilagay ko sa umpisa ng entry na ito). Pare-parehas na sinabi ng mga ka-floor ko na kumurap nga ang mga ilaw noon at biglang may malakas na hangin na pumasok sa corridor. Si Hero Boy nga raw ay may nakita pang babaeng nakaputi sa labas ng dorm bago nangyari ang pagsigaw. Kaya nga naisip namin kung ano yung huling bagay na nakita ni John bago siya nawalan ng malay. Kung ano yung bagay na ikinasigaw pa niya. Kung ano yon, isa pa ring misteryo para sa amin.

February 16, 1995

6:45 pm

Iniligpit namin ang mga gamit ni John kanina para isilid sa mga kahon dahil dadalhin na raw ito ng mga pamilya niya sa Negros. Nang nagliligpit kami ay may nakita kaming maliliit na mantsa sa sahig ni John.

Inakala namin na mga mantsa lang ito galing sa paintbrush ni John na ginamit niya bago ang exhibit ng corridor namin. Ngunit malansa ang mga amoy nito at mamula-mula. Isinara na muna namin ang kwarto ni John para wala na munang pumasok dito.

February 17, 1995

2:03 pm

Bumalik ako sa kwarto ni John kanina dahil naiwan ko ang dustpan ko nang nagligpit kami ng mga gamit niya. Sa pagdaan ko sa kabuuan ng kwarto ay may napulot akong kulay orange na card sa sahig.

Isa itong borrower’s card sa isang personal library. Walang address, Laruzza Personal Library lang ang nakalagay, pero nakasulat dito ang ilang mga librong hiniram niya bago siya namatay. Kasama rito ang mga algebra books, mga nobela, at ilang required textbooks sa Kas 1. Pero hindi naman iyon katakataka. Hindi ko lang talaga alam kung para saan ang paghiram niya sa mga librong hindi ko maintindihan ang mga sulat at letra. Foreign language books, ito. Baka naman nag-aaral siya ng European Languages o ano. Pero hindi. Malakas ang kutob ko na kakaiba ang mga aklat na iyon. Sayang, isinoli na niya ang mga aklat isang araw bago siya namatay.

Talagang napakalinis ng ebidensya.

February 18, 1995

11:14 pm

Akala namin, huli na yung nangyari noong gabi bago mamatay si John. May nangyari pang kakaiba. Mas kakaiba ito dahil this time, ako mismo ang naka-experience.

Kanina lang, nasa corridor kami nila Louis, Odie, Diwa, at Patrick dahil gumagawa kami ng mga requirements namin para sa application sa scholarship. Kakami lang ang nasa corridor noon dahil nagpunta yung ibang mga residente sa concert ng Eraserheads sa Theater. Naglolokohan at nagtutuksuhan pa nga kami noon kung sino ang unang dadalawin ni John. Sabi ko nga, baka sunduin na lang kami bigla ni John sa panaginip namin. Nagtatawanan pa kaming lahat dahil libreng libre mag-ingay.

Bigla-bigla na lang bumukas ang pinto ni John (na ni-lock namin), humangin ng malakas at kumurap-kurap ang mga ilaw sa hallway. Habang kumukurap yung mga ilaw, parang may nakita ako na anino ng babae na tumatakbo papunta sa amin. Nagsigawan talaga kami sa takot, kaya naman nalaman ko na hindi lang talaga ako ang nakakakita noong anino. Sa bawat pagbukas ng ilaw, palapit nang palapit yung anino.

Sa isang pikit ng mata ko, at hinihiling ko na umayos ang lahat, bigla na lang umayos ang ilaw. Wala na yung anino pero mga tatlong resident assistant ang nasa harapan namin.

February 19, 1995

8:29 pm

Hindi kami umamin sa nakita namin kagabi. Nagpalusot na lang kami na nagkakalokohan lang kami dahil nga namatay-matay ang ilaw. Sabi ng mga resident assistants nag-fluctuate lang daw ang kuryente dahil may power shortage daw sa university. Hindi naman kami naniwala.

UPDATE tungkol kay JOHN:

Sabi ni Kuya Arkel (resident assistant ng floor namin), pinili na raw ng pamilya ni John na manahimik tungkol sa issue. Sarado Katoliko kasi ang pamilya nila John kaya naman hindi rin sila naniniwala sa mga mystic at mga kababalagahan. Himala lang ang pinaniniwalaan nila. Kaya naman hindi na kami umaasa na may tutulong sa aming humanap ng kasagutan maliban lang sa aming magkaka-floor.

February 20, 1995

6:22 pm

Nagtanong-tanong ako sa mga staff ng dorm tungkol sa mga karanasan nila tuwing gabi sa dorm. Ginamit ko ang tape recorder (gumamit din pala ako nito noong meeting namin sa corridor kaya naman may mga quotes akong nakuha) para eksakto kong makuha ang mga sasabihin nila.

“Ay, anak, sa sobrang tagal ko nang nagtatrabaho dito sa dorm, kayrami ko nang naranasan na kababalaghan lalo na kapag gabi. Iba iba yan kada lugar. Pero iba talaga diyan sa wing ng mga lalaki. Lalo na diyan sa floor ninyo, sa second floor. May umiiyak na bata akong naririnig sa tuwing dumadaan ako diyan. Hindi ko na lang pinapansin.”

-Ate Linda, Head Utility

“Ala eh, kayrami ko nang naranasan diyan! Hindi ko na lang ipinagpapahalata sa mga kasama ko! Parang minsan ay, parang may sumusunod sa akin diyan, eh wala naman akong kasabay. Hindi ba, nakakahilakbot iyon?”

-Kuya Jomar, Utility

“Kapag natutulog ako sa quarters namin, minsan pagkagising ko, basa na yung mukha ko, tapos malansa na mamula-mula. Hindi ko nga matiyak kung ano. Ang mas nakakahilakbot eh wala namang butas sa kisame ko.”

-Kuya Ernie, Gardener

“Minsan kasi, diyan ako sa sofa ng lobby ako nagpapahinga, alam mo yon, kapag tulog na kayong lahat at pwedeng magrelax ng konti. Natatanaw ko na lang minsan kapag nakahiga ako, may babaeng bumababa diyan sa hagdanan ng Boys’ Wing. Eh bawal ang babae diyan kaya naman sisitahin ko. Eh noong sinisita ko na, aba, biglang tumakbo yung babae. Hindi ko na nakita, akala ko nagtatago na. Pero wala naman palang pumasok na babae diyan sa Boys’ Wing dahil nga bawal, hindi ba?”

-Ate Corina, Security Guard

 

Nakakatakot ang mga kwento nila, at napansin kong hindi na naman nawala ang kwento noong babaeng multo. Parang iisa lang siyang nambubulabog sa lahat. Kakaiba talaga. At nakakatakot kung nakakatakot.

March 1, 1995

11:24 pm

Matagal akong hindi nagsulat sa journal na ito. Sobrang daming nangyari sa buong linggo. Ayaw ko nang magsulat talaga tungkol sa mga nangyari dahil sa takot, pero journalist ako. Kailangan kong panindigan ito. Isa pa, sa tuwing naaalala ko ang notebook na ito ay parang itinutulak ko ang sarili ko na magsulat ng magsulat dahil parang unti-unti, may nakukuha akong kasagutan sa mga tanong tungkol sa misteryo na bumabalot sa floor namin.

Naging usap-usapan na sa buong university and dorm dahil sa loob ng walong sunod-sunod na araw ay binulabog ng mga pagpapakita ang mga residente sa floor namin. Nakakita raw sila ng imahe ng isang babaeng duguan na nakatayo sa bintana ng mga kwarto nila, at nakakarinig raw sila ng mga iyak ng sanggol. Pareparehas silang lahat ng naranasan. Si Kuya Arkel yung unang nakakita at sa kwarto pa ito ni John. Napadaan lang daw siya tapos napansin niyang bukas yung ilaw, kaya nakakapagtaka. So, ayun, nakita nga niya.

Kahit na buong linggo na kaming tinatakot ng babaeng iyon ay napagkasunduan pa rin ng aming pangkat na manatili sa floor namin. Una, wala kaming mapupuntahang iba at pangalawa, gusto rin naming maresolba ang mga kababalaghang nagaganap. Nakakapagt –

March 2, 1995

11:02 am

Hindi ako makapaniwala sa nakita ko kagabi. Alam kong darating din ang araw na ako naman ang mabubulabog pero hindi ko inasahan na mararanasan ko agad ito.

Hindi ko sa sariling kwarto naranasan ang pagpapakita. Sa Room 217 ako nagsusulat ng journal dahil ginawa ko nang study area yun dahil walang pumupuntang tao doon dahil nga sa fire exit iyon.

Habang nagsusulat ako kahapon ng journal entry (hindi ko na nga natapos isulat), namatay bigla ang lampshade ko. Sinilip ko yung plug at baka naman natanggal lang ito sa socket, kaya naman yumuko ako ng kaunti sa ilalim ng mesa ko. Sa pagsilip ko sa ilalim ng mesa ay may nakita akong bilugang bagay na basang basa. Nahirapan akong aninagin ito ng mabuti dahil nga sa nawalan ng ilaw ang aking mesa.

Isang sanggol na naliligo sa sariling dugo. Iyon ang naaninag ko. Napaupo ako sa sahig sa takot, at talagang nanginig ako dahil biglang lumamig ang simoy ng hangin. Nakakapanindig balahibo ang kalamigan. Pagtingin ko muli sa ilalim ng mesa ay wala na ang sanggol, at gumana na muli ang ilaw ng aking lampshade.

Tumayo na ako upang magmuni-muni sa nakita ko nang biglang kumurap muli ang mga ilaw sa kwarto. Paulit-ulit na namatay ang mga ilaw na mistula nang flash ng kamera ang epekto sa paningin. Humangin nang malakas at biglang bumukas ang pinto ng kwarto ko. Takot na takot na ako.

Madilim ang paligid pero naaaninag ko ang mga bagay sa paligid. Kakaiba ang pakiramdam ko dahil tinitindigan ako ng balahibo sa batok. Parang kinukuryente paitaas. Yung pakiramdam na kinikilig ka pag umiihi. Parang ganun.

Naramdaman ko na lang na parang may umagos na likido galing sa likod ng paa ko. Malapot ang tubig. Malansa. Malamig. Tumitindig na ang mga buhok ko sa batok, nanlalamig ang mga kamay ko. Alam kong wala sa harapan ko ang nais magpakita. Paglingon ko sa likod, nakita ko siya. Isang babae, mahaba ang buhok, mas matangkad ng kaunti sa akin, duguan, nakapangtulog. Nakataas ang isa niyang kamay at hawak niya ang isang bagay na nakita ko lang ilang segundo ang nakalipas: ang sanggol sa ilalim ng mesa.

Ayoko nang alalahanin. Ayoko na.

March 3, 1995

10:30 am

Hindi na ako nagsusulat tuwing gabi. Natatakot na talaga ako. Hindi ko alam kung matatapos pa ang pambubulabog ng babaeng iyon at ng sanggol na walang buhay. Kagabi, nagpakita na naman ang duguang babae.

Sa ngayon ay sampu na kaming pinagpapakitaan. Isinulat ko talaga para mayroon akong datos. Baka kailanganin sa balita ko.

Feb 21 – Rm 213

Kuya Arkel *dating room ni John

Feb 26 – Rm 203

Charlie

Feb 22 – Rm 201

Perseus

Feb 27 – Rm 216

Odie

Feb 23 – Rm 214

Dong

Feb 28 – Rm 204

Fred

Feb 24 – Rm 202

Alper

Mar 1 – Rm 217

Ako

Feb 25 – Rm 215

Rey

Mar 2 – Rm 205

Harry

Nakakapagtaka dahil walang dalawang tao ang sabay na nakakita sa babae. Baka nahihiya pa ang multo, ang gusto niya, masolo kami.

March 3 pa rin, 2:30 pm

Napansin siguro ni Louis na umiiyak ako kanina habang nagsusulat sa kwarto kaya tinanong niya kung ano ang isinusulat ko. Ipinakita ko ang journal na ito. Nakita ni Louis ang listahan ko ng mga pinagpakitaan ng multo.

Nagtataka ako dahil bigla niyang kinuha ang lapis at calculator niya at nagkwenta ng mga numero. Ewan. Gumuhit pa siya ng 25 bilog at nagbilang ng nagbilang. Hindi ko maintindihan yung ginagawa niya.

Tinanong ko kung ano yun.

Sabi niya, “Pare, mukhang may pattern! Parang may pattern!”

Anong pattern?

Ipinakita niya yung drowing niya ng 25 na bilog at nag-eksplika. Namangha ako sa mga sinabi niya. Ang pagkakatanda ko, ganito ang eksplenasyong sinabi niya:

“Tingnan mo, 25 ang kwarto dito sa floor natin. Nagsimula ang pagpapakita sa 213, sumunod sa 201. Kung magbibilang ka ng labingtatlo mula sa Rm 213 at pag nakalagpas ka na ng Rm 225 at umulit sa unang kwarto at itutuloy mo ang counting, sa 201 nga babagsak.”

Tama nga siya. Kung tama ang pattern, sa Room 218 lalabas ang babae mamayang gabi. Ayoko nang isipin kung ano ang kahalagahan ng numero trese at kung bakit iyon ang pattern. Hindi na siguro katakataka dahil may sa-demonyo na yata ang mga pangyayari sa dorm namin.

March 4, 1995

6:03 am

Umaga na pero walang lumabas na babae sa Room 203.

Lahat kaming residente ng floor, sama-samang natulog at nagsiksikan sa Room 203 kagabi. May mga natulog na sa labas ng pinto, yung iba, nakatayo pa. Parang wala kaming pakialam kung mainitan kami o magkahawaan ng pawis, basta matapos lang ang pananakot. Kagabi, pinangunahan ni Diwa ang pagdadasal at pagtitirik ng kandila para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng babaeng iyon. Nagdasal kami hanggang naubos ang kandila. At nag-umaga na ay wala pa ring nagpakita.

Siguro, ito na nga ang katapusan ng lahat. Sana.

March 31, 1995

8:30 pm

Hindi na nga nagpakita uli yung babae. Siguro nga tapos na ang lahat. Balik na kami sa normal naming buhay. Pero hindi pa rin namin maalis sa isipan kung bakit nagpapakita ang babae at kung bakit namatay si John.

Binalikan namin ang kwarto ni John bago kami magcheck-out kanina sa dorm. Mag-aalay sana kami ng panalangin nang mapansin kaming may isang kahon pala kaming hindi naisamang ipadala sa Negros. Binuksan namin ito at nakita namin ang ilang libro, isang makapal na notebook at isang tape recorder na tulad ng akin.

Malakas talaga ang hinala ko na kahit papaano’y nakapag-iwan ng alaala si John sa tape na iyon, kaya naman napilit ko ang buong grupo na patugtugin iyon.

Ngunit nagulantang kami sa mga narinig namin. Pamamaalam ni John sa isang bagay na gagawin niya pero hindi namin maintindihan. Ngunit mas nanginig pa kami sa narinig naming pagkatapos ng mahaba niyang pakikiusap at paglilitanya.

Mga dasal na Latin ang aming narinig at hindi talaga namin maintindihan. Mga dasal na alam naming ay hindi nararapat bigkasin. Nagulat na lang kami sa dulo nang marinig namin ang mga katagang:

“Ate! Lumabas ka na! Gusto kitang makita!”

August 17, 1995

5:30 pm

Second year na ako at nasa Yakal. Nahalukay ko ito sa archives sa publications section ng University Library. Ito na siguro ang magsasara sa lahat.

Aborsyonista, natagpuang patay sa isang dormitoryo

ni Jose de Mercado

Natagpuang naliligo sa sariling dugo si Delilah Miranda, isang resident assistant, graduating student ng BS Biology at hinihinalang aborsyonista matapos nitong maglaslas ng sarili nitong pulso kahapon, June 16, 1989 bandang 1:00 ng umaga sa isang bakanteng kwarto sa Kalayaan Residence Hall.

Ayon sa suicide note na naiwan sa tabi ng bangkay, napag-alamang nagpatiwakal si Mirana dahil sa labis na pagkakonsensya sa pagkitil daw niya diumano sa mga walang muwang na sanggol. Bukod pa rito ay nasulat din sa suicide note ang labis niyang pagkatakot na baka itakwil siya ng kanyang pinakamamahal na kapatid sakaling malaman nito ang kanyang tagong trabaho.

Idinala na sa Negros ang bangkay kung saan nakatira ang kanyang pamilya at kapatid.

 

Ipinarinig ko ang tape na nirecord ni John kay Daddy, at sabi niya, may mali sa inkantasyon ni John kaya naman daw pati ang ibang mga masasamang maligno ay natawag din niya. May mga maligno daw na ayaw magpatawag at kapag nabulabog mo sila ay talagang nananakit at minsa’y nakakapatay pa.

Tinanong ko kay Daddy kung bakit kinailangan pang tawagin ni John ang kaluluwa ng ate niya. Hindi rin daw niya tiyak ang sagot. Pero sa palagay ko, masyado lang niyang mahal ang ate niya kaya kahit namayapa na ito ay hindi pa rin niya tuluyang mapalaya.

Napapatanga na lang ako kapag naiisip ko kung anong diversionary tactics ang ginawa ng Kalayaan para matanggal ang nosyon ng pagmumulto. Marami pa rin kasing freshmen ang tumitira sa Kalayaan kahit na pinagmultuhan na kami at lahat. Gustong gusto pa rin nilang manirahan dito kahit na napatunayan ko nang may misteryo talagang bumabalot sa lugar na ito. Alam kong hindi mawawala ang kababalaghan sa lugar na iyon dahil sa huling araw naming na iyon sa Kalayaan, makaulit ay nabuksan namin ang kapangyarihan ng mga patay, naulit ang mga inkantasyon nang pinatugtog namin ang cassette tape ni John. Nandoon pa rin sila, handing sumalakay kahit kailan. Isang malaking pagkakamali sa parte namin ngunit hindi na kami ganoong katapang para baliktarin ang nagawa na. May mga sarili na kaming buhay.

May palagay ako na magiging usap-usapang istorya ng takutan itong nangyari sa amin hanggang sa mga susunod na batch ng mga freshmen. Malaki ang posibilidad na maging kwentuhan pa ito ng mga bata sa gabi tuwing pagkatapos ng bed check at tumatakas sa pagbabantay ng mga resident assistants nila. Baka akalain pa nilang urban legend lang ito pero huwag sila, baka magpakita na lang agad yung babae sa mga kwarto nila sa mga susunod na araw, nakatayo, at may hawak na umiiyak na sanggol. Ngayon pang alam ko na hindi namin nabali ang sumpa.

Christopher James de Guzman Benitez

dating taga – Rooom 225

Student Number 1994-19953