Unit 4B, Anaheim Tower 4, California Garden Square, Libertad, Mandaluyong

Grabbed somewhere dahil hindi pa ako nakapagpicture taking.

Grabbed somewhere dahil hindi pa ako nakapagpicture taking.

At least now I know my real address, dahil for the past two sems nag-endure ako na tumira sa isang place na hindi ko talaga alam ang eksaktong address niya, at pahirapan ang instructions sa pagpunta dahil nga, ehem, hindi ko talaga alam ang eksaktong address niya. Basta sa UP Bliss yon sa tapat ng playground. Shempre hindi ko naman pwedeng sabihin pag magpapadeliver ako ng food na sa tapat ng playground yung address ko ano.

Maraming mga bagay na nakapagpadesisyon sa akin para lumipat ng bahay kahit na masasabi kong hassle talaga ang layo nito sa UP. Okay na yon, sabi ko, para naman matuto akong maging responsable as a person.

Maganda yung place. May pool area at may gym sa baba so baka anytime magpa-member na ako doon at ng sa gayon ay mabibigyang daan na ang pangarap kong magpapayat. Hehehe. May ministop din sa baba, which is sagabal naman dahil anytime (AS IN ANYTIME) na magutom lang ako ay bababa lang ako to get some food.

Nagustuhan ko naman ang place. Maayos, malinis, malamig.

Pero weird talaga yung feeling ng bagong lipat. Weird kung weird.

Nag-enumerate nga ako sa multiply ko ng mga bagay na mamimiss ko sa BLISS kasi naman, marami naman talagang magaganda (o hindi magaganda) na nangyari sa place na iyon. Isang taon din akong namuhay ng mag-isa, as in literal na mag-isa dahil sarili ko lang ang kasama ko sa bahay. Kaya naman siguro tinatanong akong madalas ni Jeff kung anong ginagawa ko pag mag-isa lang ako sa bahay (shempre hindi ko sasabihin sa kanya hehehe). Mahirap talaga yung mag-isa lalo na nung mga unang buwan ko doon. Cellphone lang ang source of entertainment ko noon, pakikinig sa radyo, at panonood sa mga alitaptap na pumapasok sa madilim kong kwarto.

In fairness maraming mga pagkakaibigan ang mas yumabong pa sa BLISS. Naging madalas ang pagdalaw nila Nay Jumar, Monique at Jeff doon, at masasabi ko namang naging masaya ako ng mga panahon na iyon. Kaya nga siguro minsan minsan ay walang patumanggi na ang pagdating ni Jeff at Monique sa bahay dahil alam nilang masaya ako kapag dumadalaw sila sa bahay. At ako naman ay payag lang nang payag, para tuloy akong desperado na magkaroon ng kakwentuhan.

Masaya ang buhay ko sa BLISS, wala akong inaalalang mga bagay kundi ang sarili ko lang, kung anong oras ako kakain at matutulog ay kontrolado ko, pati na rin ang oras ng paggising at pag-uwi.

Si Lito lang naman ang inaalala ko doon, yung pusa kong kulay-orange, pati na rin ang bantay kong si Nika.

Hindi ko alam kung bakit minahal ko si Lito ganoong hindi maganda ang track record ko sa mga pusa noong bata ako. Sabi nila noon, kinukuha ko daw ang mighty bond ni Daddy sa steel cabinet noon at idinidikit ko raw ang mga paa ng mga pusa namin sa mesa. Ang-morbid. Pero si Lito, ewan ko, dahil siguro nangulila din ako sa kausap ay narealize kong dumating sa puntong kinakausap ko na si Lito noon habang binibigyan ko siya g tira kong hapunan. Minsan nga umuwi iyon ng dumudugo ang likod niya, nakipag*bleep* yata at kinalmot ng kapartner niya. Wala lang. Hindi ko siya ginalaw. Eh hindi ko naman alam kung paano siya pagagalingin.

Si Nika naman, well, mas nauna ako sa kanya sa BLISS, dinala na lang siya doon mga isang buwan na ang nakalipas simula ng pagpasok ko doon. Takot na takot ako noon kay Nika dahil tahol siya ng tahol at nakakawala pa siya sa tali niya noon. Yung tahol pa niya yung tipong asong may rabies, yung tipong “GRRRRR!” yung tunog. Dumating yung time na mabait na siya sa akin at nakikipaglaro na siya kapag dadating ako sa bahay. Dumating din yung time na nakilala na niya sila Monique at Jeff at hindi na sila tinatahulan kapag may mga puntong pumupunta sila sa bahay ng wala ako.

Oo nga pala. Ang maganda pa doon sa lugar na iyon, pinakamasarap na gawin doon ang umiyak ng mag-isa dahil wala namang makakarinig sa akin kahit humagulgol ako o magwala. At okay lang ding magwala dahil wala naman akong masisira doon.

Kasama sa BLISS experience ko ang pagtulo ng kisame, minsan nga, sinabayan ko pa ang pagtulo ng pag-iyak ko dahil hindi ko na alam ang gagawin ko noon para makatulog ako nang hindi nababasa ang sarili kong kama. Hindi kagandahan ang experience na ito pero pag naiisip ko, natutuwa ako, kasi naexperience kong mamuhay na parang yung mga klasik na mahihirap sa mga pelikula at telenobela.

Napapabuntong hininga na lang ako ng madalas sa pagrereminisce ng mga eksena sa BLISS. Nakakainis lang isipin na marami pa akong gustong gawin doon pero mukhang wala nang point na gawin pa iyon. Gusto kong makipaglaro sa mga friends ko dun sa playground para naman magbalik-kabataan ako. O kaya naman mahawakan ko man lang si Mighty, yung isang aso na never lumabas ng bahay niya dahil nanglalapa, o kaya naman makapag-inuman ulit doon sa bahay na iyon. (Monique, nandoon pa yung tira nating GSM Blue. Hehehe.)

Well. SA AKIN PA RIN ang lugar na iyon sa BLISS. That’s a fact.  So technically ay hindi ko siya iiwan, mas madalas lang akong hindi matutulog at maninirahan doon. Sana nga lang ay makabalik pa ako at makagawa pa ng magagandang mga alaala doon s alugar na iyon, coz BLISS IS SUCH A PLACE.